Bumitaw na si Senate President Tito Sotto sa kanyang isinusulong na pagbabago sa huling linya ng pambansang awit ng Pilipinas.
Matatandaang umani ng sari – sariling reaksyon ang panukala ni Sotto na baguhin ang linyang “Ang aming ligaya na pag may nang – aapi, ang mamatay ng dahil sayo” ay gawing ang “Ipaglaban ang kalayaan mo”.
Sa kanyang social media post, maraming mga mahinang umintindi kaya kung ayaw aniya ang kanyang suhestiyon ay huwag na lang.
Una nang sinabi ng Malakanyang na iginagalang nila ang prerogative ng Kongreso sa paghahain ng mga panukalang batas ngunit sinabing hindi kinakailangan baguhin ang pambansang awit dahil sa mga mas seryosong problemang kinakaharap ang bansa.
Pagpapalit sa huling linya ng Lupang Hinirang, inalmahan
Samantala ilang grupo na rin ang umalma sa panukala ni Senate President Tito Sotto na palitan ng huling linya ng pambansang awit ng Pilipinas kabilang ang KWF o Komisyon ng Wikang Filipino.
Ayon kay KWF commissioner at kinatawan ng wikang Bicol Abdon Balde, Jr., insulto sa orihinal na lumikha ng lyrics at creative work na si Jose Palma ang nasabing panukala ni Sotto.
Pagpapakita ito aniya ng mababang tingin ng senador sa taong naghirap sa paggawa ng Lupang Hinirang lalo na’t sinasalamin ng nasabing lyrics ang sakripisyo ng mga kababayan at pagpukaw sa isip sa paglaban sa mga mananakop.
Sinabi pa ni Balde na hindi nangangahulugang nagbago na ang sitwasyon o panahon ay maaari na ring galawin ang simbolo ng bansa.
Sa halip na pag initan ang awiting tumatak na sa kasaysayan, binigyang diin ni Balde na dapat gumawa na lamang si Sotto ng sariling anthem para masuri ang merits, ma-ratipikahan at hingin ang pag apruba ng Kongreso.
Binatikos din ng KWF ang panukala ni Senador Richard Gordon na pagdaragdag ng araw sa bandila ng Pilipinas na aniya’y pagpapa pansin lamang o pagkuha lamang ng atensyon ng senador.