Naglabas na ng panuntunan ang Department of Environment and Natural Resources o DENR ukol sa pagpapatayo ng mga STPs o Sewerage Treatment Plants sa isla ng Boracay.
Ito’y kasabay ng nakatakdang muling pagbubukas ng isla sa publiko at mga turista sa darating na Oktubre 26 ng taong kasalukuyan.
Batay sa nilagdaang Memorandum Order no. 2018-04 ni Environment Secretary Roy Cimatu noong Setyembre 18, inatasan nito ang lahat mga hotels, resorts at iba pang mga kahalintulad na establisyemento na kumonekta sa sewerage lines ng mga concessionaires tulad ng Boracay Island Water Company.
Ito kasi ang naatasan ng DENR para kolektahin ang wastewater mula sa kanilang mga kliyente na pagtitibayin naman ng ilalabas nilang sertipikasyon kung ito ba’y konektado sa kanila o kung may sariling STP.
Ang naturang sertipikasyon ayon sa kagawaran ang magsisilbing pamantayan kung dapat ba o hindi na dapat magpatuloy sa kanilang operasyon ang mga naturang establisyemento sa isla.
Magbibigay din ang concessionaires ng datos ng water billed volume at volume ng wastewater na kanilang natatangap sa DENR na magagamit sa monitoring at planning ng ahensya.