Suportado ng Malacañang ang panukala ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na bumuo ng national task force na tutututok sa pagwawakas ng communist insurgency sa bansa.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, sang-ayon silang kinakailangan na ng pinagsamang pagkilos ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan para matigil na ang communist insurgency.
Pinayuhan din ni Roque ang Armed Forces of the Philippines na isumite ang kanilang rekomendasyon sa Office of the President para sa pagbuo ng draft ng executive order hinggil dito.
Magugunitang sinabi ni AFP Chief of Staff General Carlito Galvez Jr. na kanilang hihilingin kay Pangulong Rodrigo Duterte ang magpalabas ng EO para sa pagbuo ng isang inter-agency body laban sa mga komunista.
Sinabi ni Galvez, kailangan ng AFP ng tulong mula sa ibang ahensiya ng pamahalaan para malabanan ang iba pang taktika ng mga komunistang grupo tulad ng tangka ng mga itong mapasok ang gobyerno.
—-