Bumaba ng siyam na porsyento ang mga manggagawang Filipinong ipinadadala sa ibang bansa nitong 2017.
Batay ito sa ulat ng recruitment consultant na si Manny Geslani kumpara aniya noong 2016 kung saan naitala ang pinakamataas na bilang ng mga idineploy na manggagawang Pinoy sa ibang bansa na umabot sa mahigit dalawang milyon.
Aniya, sa tala ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) aabot lamang sa mahigit isang milyon siyamnapung libo (1,090,000) ang naipadalang mga manggagawang Pinoy sa isang daan at walumpong (180) mga bansa.
Sinabi ni Geslani, ito lamang ang naitalang pagbaba sa bilang ng OFW deployment matapos ang sampung taon.
Kabilang naman aniya sa maituturing na dahilan nito ay ang pagbaba sa mga kinukuhang dayuhang manggagawa ng Saudi Arabia dahil sa Saudization.
Gayundin sa iba pang bansa tulad ng Qatar, Hong Kong, Taiwan, United Arab Emirates, Japan, Singapore, Malaysia at Oman.
Nakita namang rason sa pagbaba ng walong porsyento sa demand ng mga Filipino household service workers ang mahigpit na pagkontrol ng mga opisyal ng Philippine labor sa Middle East.
—-