Inaasahang magpapalit na sa search and retrieval operations mula sa search and rescue ang ginagawang paghahanap ng mga awtoridad sa mga biktima ng landslide sa Itogon, Benguet ngayong araw.
Ito ay kung susundin ang itinakdang dalawang araw na deadline ni Presidential Political Adviser Francis Tolentino sa paghahanap ng mga posibleng survivor sa nangyaring pagguho ng lupa sa nabanggit na lugar.
Ayon kay General Leopoldo Imbal, pinuno ng search, rescue and retrieval operations sa Itogon landslide, hindi pa rin sila nawawalan ng pagasang may makikitang buhay sa nangyaring landslide.
Sa kabila ito ng kawalan ng indikasyong may buhay pang biktima sa ilalim ng mga guho sa kanilang higit isang linggong paghuhukay.
Samantala, ilang residente naman ang tanggap nang wala na silang makikitang buhay na mga kaanak at nais na lamang matunton ang labi ng mga ito para mabigyan ng maayos na libing.
—-