Mas lumakas pa ang bagyong Paeng habang patuloy itong kumikilos sa direksyong kanluran hilagang kanluran malapit sa extreme Northern Luzon.
Batay sa pinakahuling datos ng PAGASA, huling namataan ang sentro ng bagyong Paeng sa layong 740 kilometro silangan ng Basco, Batanes.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 200 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 240 kilometro kada oras.
Bumagal din ang pagkilos ng bagyong Paeng sa bilis na lamang na 10 kilometro kada oras.
Batay din sa five day forecast track ng PAGASA hindi na inaasahan ang paglalandfall nito sa Taiwan.
Nananatili namang walang direktang epekto sa bansa ang bagyong Paeng habang inaasahang lalabas na ito ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Sabado, Setyembre 29.
NDRRMC
Samantala, umapela ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa publiko na manatiling handa at nakaalerto sa papalapit na bagyong Paeng.
Ito ay kahit walang direktang epekto ang bagyong paeng sa bansa maliban sa Batanes batay na rin sa forecast na inilabas ng PAGASA.
Inihayag naman ng NDRRMC na ipinabatid na sa kanila ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na may nakalaan silang pondo para sa posibleng epektong idulot ng nabanggit na bagyo.
Nasa mahigit 600 milyong pisong pondo ang naka-standby gayundin ang mahigit 700 milyong pisong halaga ng mga food at non-food items.
(May Ulat ni Jaymark Dagala)