Isiniwalat ni Pangulong Rodrigo Duterte na may ilang sundalo ang nakikipag-sabwatan sa Liberal Party (LP) at komunista grupo upang patalsikin siya sa pwesto.
Sa kanyang talumpati matapos bisitahin ang mga sugatang sundalo sa Sulu inamin ni Pangulong Duterte na nasaktan siya sa natanggap na ulat lalo’t napakalaki ang suporta ng gobyerno sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
“Kayong mga liberal, yung ibang sa military, nakipag-ugnayan sila sa mga sundalo yung mga rebelde. Tapos yun na yun yung tatlo. Yellow, mga sundalo na hindi ko maintindihan ang utak kung saan ang loyalty nila, pati yung mga liberal. Diyan ako naghihinakit sa kanila yan mga sundalo na yan. Hindi na bale magalit sila sa akin wala yun. But go into cahoots with the kalaban?” Pahayag ni Duterte.
Gayunman, tiniyak ng pangulo na hindi magtatagumpay ang sinumang nagbabalak na magpabagsak sa pamahalaan o patalsikin siya sa pwesto.
Samantala, pinayuhan ng punong ehekutibo ang mga taga oposisyon na hintayin na lamang ang eleksyon kung hindi sila kuntento sa kanyang pamamahala.
“Alam mo itong plot na ito ganito lang ang masasabi, nothing will succeed without the help of the Armed Forces of the Philippines (AFP).” Ani Duterte.