Isinusulong ni Senate President Vicente Sotto III ang panukalang naglalayong maibaba sa edad na labing tatlo (13) pataas ang criminal liability para sa mga kabataang masasangkot sa krimen.
Ayon kay Sotto, nakakabahala na ang dumaraming kaso ng mga menor de edad na nasasangkot sa mga krimen tulad ng pagnanakaw.
Sa ilalim ng Senate Bill 2026 ni Sotto, sinabi nitong inaabuso ng mga criminal syndicate ang probisyon sa juvenile justice and Welfare Act of 2006 kaya ginagamit ng mga ito ang mga menor de edad sa paggawa ng krimen.
Iginiit ni Sotto hindi na naaayon sa international standards ang nakasaad sa nabanggit na batas kung saan hindi maaaring panagutin sa anumang kasong kriminal ang mga kabatang may edad labing lima (15) pababa.
Batay aniya sa pag-aaral na isinagawa ng Child Rights International Network, nasa labing isang (11) taong gulang ang minimum age criminal responsibility sa Asya at Africa habang sa Estados Unidos at Europa ay labing tatlong (13) gulang.
(Ulat ni Cely Bueno)