Pinabulaanan ng pambansang pulisya ang akusasyon ni Vice President Leni Robredo na bahagi umano ng “mind conditioning” ng gobyerno sa publiko ang pagpapa-ingay sa plano umanong “Red October” ouster plot ng mga komunista laban sa adminstrasyon Duterte upang maideklara lamang ang martial law sa buong bansa.
Ayon kay C/Supt. Benigno Durana, tagapagsalita ng Philippine National Police (PNP), tutol sila maging ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa ideya na isailalim ang buong bansa sa batas militar sa paniniwalang wala naman pangangailangan dahil sa umiiral na economic at political climate ng bansa.
Kasabay nito, itinanggi rin ni Durana na may kaugnayan ang pagkaka-aresto kay Senador Antonio Trillanes IV sa Red October protest laban sa administrasyon.
Samantala, sa panig naman ni Department of National Defense (DND) Secretary Delfin Lorenzana, tila hugas kamay na ngayon ang mga grupong nasa likod ng Red October protest partikular na ang CPP-NPA sa pamumumo Jose Maria Sison dahil nabuking na ang kanilang plano.
Gayunman, tiniyak ni Lorenzana na hindi sila magpapaka-kampante kahit pa hindi na bago para sa kanila ang mga ganitong klase ng plano laban sa administrasyon.