Naniniwala ang Palasyo na hindi makokompromiso ang kalagayan ng mga lokal na magsasaka ng palay kasabay ng nakaambang pag-angkat ng bigas mula sa ibang bansa.
Ginawa ng Malakanyang ang pahayag sa gitna ng pangamba ng mga magsasaka na baka hindi na maibenta o baka bilhin na lamang sa murang halaga ang kanilang mga palay dahil sa planong pag-import ng libo-libong tonelada ng bigas.
Pahayag ni Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque, sa kasalukuyang sitwasyon ng bansa kinakailangan talaga aniyang mag-import ng bigas dahil sa pagkawasak ng mga agrikultura bunsod ng nagdaang Bagyong Ompong.
Tiwala si Roque na agad na mabibili ang mga bigas mula sa mga local farmers matapos ang matinding kalamidad na humagupit sa Isabela at Cagayan na tinaguriang rice bowls ng Pilipinas.
Una nang sinabi ni Roque na pinayagan na ng NFA ang DTI na mag-import ng bigas para masolusyunan ang rice shortage na isa sa naging dahilan kung bakit sumipa ang inflation rate ng bansa.
Pagbaba ng presyo ng bigas, asahan na sa mga susunod na araw
Ginarantiya ng Malakanyang ang pagbaba ng presyo ng bigas sa mga susunod na araw bunsod ng inaasahang pagbaha ng supply nito sa mga merkado.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque, milyun-milyong kaban ng bigas ang paparating sa bansa na magiging dahilan upang mapuwersa ang mga hoarders na ilabas ang mga itinatago nilang suplay sa kani-kanilang mga warehouse.
Pahayag ni Roque, sa sandaling dumagsa na ang bigas sa mga palengke, wala nang magagawa ang mga hoarders kundi ibenta na ang lahat ng kanilang stocks upang maiwasan ang pagkalugi.
Samantala, ipinagmalaki naman ni Roque na nagbalik na sa normal ang presyo ng sili na dating pumalo sa 1,000 piso kada kilo.
Ayon sa Palace spokesman, balik na ito sa 3 daan per kilo habang bumaba na rin ani Roque ang halaga ng bawang at sibuyas.