Babantayan na ng LTFRB o Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang mga bus operators na patuloy pa ring nagpapatupad ng per commission basis sa kanilang mga kundoktor.
Ito’y makaraang katigan ng Korte Suprema ang inilabas nilang memorandum circular na gawing part-fixed-part-performance ang suweldo ng mga driver at kundoktor ng bus.
Sa ilalim ng nasabing sistema, hindi dapat bababa sa minimum wage ang tatanggaping suweldo ng mga driver at kundoktor ng bus kada buwan.
Walong oras lamang ang itinakdang working hours ng mga driver at kundoktor ng bus at dapat silang bigyan ng karagdagang bayad kapag nag-overtime tulad ng isang pangkaraniwang manggagawa.
Ayon kay Atty. Aileen Lizada, boardmember ng LTFRB, panahon na para buwagin na ang sistema ng komisyon sa mga pampublikong bus na kadalasa’y nagiging mitsa ng peligro sa panig ng mga pasahero.
“We will continue to monitor from time to time on those budget for bus drivers kasi diba ngayon meron tayong drivers’ academy? Every Thursday and Friday po, lahat po ng mga drivers not only the buses, but alos jeep, taxis, UV, sila ho, they undergo drivers’ academy at pwede ho kami mag survey doon every Thurs and Fri para malaman naming anong kompanya ang hindi pa nagco-comply doon and then we will call their attention kasi it is also good para sa mga drivers while alam naman natin na kailangan kumita ang mga bus operator, kailangan din ho ang mga pasahero ay safe ho na makakarating sa kanilang mga lugar at wala na ho tayong ibang nagmamadali o nag-aagawan na mga pasahero sa daanan.”
Gayunman, sinabi ni Lizada na marami na ring mga kumpaniya at operator ng bus ang nagpapatupad na ng suwelduhan sa mga driver at kundoktor nito.
“Meron hong mga bus operators din ay matagal na silang sweldado kaya kailangan ho nating ayusin yung mga bus operators na still on commission rates kasi hindi ho siya sang-ayon doon sa labor standards. Ito ho ay dapat 8 hours a day at kung ano ang minimum wage, doon ho ang sinasabi nating ‘’part-fix’’ , wag lang ho silang bumaba sa minimum wage and yung part performance, meaning to say ang mga management prerogative nila, pwede ho nilang dagdagan ang sahod, pwede hong kung wala kang bangga, wala kang sabit, pwedeng plus percentage, yung mga rice allowance, it oho ay pwede basta wag lang ho yung kita ng driver ay based sa ridership. “
(Todong Nationwide Talakayan interview)