Tali ang kamay ng pamahalaan sa isyu ng pagsuspinde ng excise tax sa petrolyo para mapababa ang presyo produktong petrolyo.
Ayon kay Finance Secretary Karl Kendrick Chua, ang puwede lamang suspindehin ay ang susunod na pagtaas ng excise tax sa petrolyo sa susunod na taon at hindi ang umiiral nang buwis sa ngayon.
Gayunman, mangyayari lamang ito kung aabutin ng average na 80 dollars per barrel ang presyo ng langis sa world market sa loob ng tatlong buwan.
Ipinaliwanag ni Chua na sakaling manatili o sumobra pa sa 80 dollars per barrel ang langis hanggang Disyembre, sigurado nang hindi matutuloy ang implementasyon ng ikalawang bahagi ng excise tax sa langis.
Samantala, aminado ang DOF na hindi nila naisaalang-alang ang biglaang pagtaas ng langis sa world market nang isulong nila ang TRAIN Law.
Sinabi ni Chua na batay sa kanilang computation, kaya nang balikatin ng mga empleyado ang bahagyang pagtaas ng bilihin dahil sa TRAIN Law dahil tinanggal na ang bayaring buwis ng mga sumasahod ng hanggang P250,000 kada taon.
—-