Nakikiramdam pa si dating Presidential Communications Operations Office (PCOO) Assistant Secretary Mocha Uson kung tatakbo ito sa 2019 midterm elections.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Uson na kanya pang pupulsuhan ang kanyang mga tagasuporta ukol dito.
Dito aniya siya dedepende kung sasabak o hindi sa pulitika sa susunod na taon.
“Kumukunsulta po ako sa ilang grupo, inaalam ko po ang sentimyento ng mga kababayan natin at mga netizen dahil sabi nga ni Pangulo pagdating diyan is, let the people decide.” Ani Uson
Resignation
Matagal na ring pinag-iisipan ni dating PCOO Assistant Secretary Mocha Uson ang pagbibitiw sa puwesto.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Uson ito ay dahil sa mga natatanggap niyang batikos at mga ibinabatong alegasyon laban sa kanya.
Ngunit tuluyan na aniya siyang nagdesisyon na mag-resign nang ipitin na ng Kongreso ang budget ng Presidential Communications Operations Office o PCOO.
“Masyado na pong abusado ang mga maka-kaliwang kongresista na iniipit po ang budget ng PCOO, ilang beses na po ‘yang sinuspend dahil lang sa wala ako doon, taon-taon na lang po akong sinasabihan na huwag punahin ‘yung mga ilang kongresista, ilang senador dahil tiyak na iipitin nila ang budget ng PCOO na sa tingin ko po ay mali dahil ginagamit nila ang kanilang posisyon para sa kanilang pansariling interes, at ang nangyari pong pang-iipit sa budget sa Kongreso ay ang nag-udyok na sa akin na tama na po masyado na po silang abusado.” Dagdag ni Uson
Samantala, nilinaw naman ni Uson na hindi niya tinatalikuran si Pangulong Rodrigo Duterte bagkus ay mas palalawakin niya pa ang pagtulong para maipromote ang mga programa at magagandang ginagawa ng administrasyon.
“Hindi po ako lumalaban pa noon, respeto ko na lang po sa opisina, sa mga katrabaho ko po sa PCOO, nabubusalan na po ako, hindi ko po naipagtanggol ang aking sarili sa mga akusasyon nila, sa mga kasinungalingan nila, pero ngayon po malaya na po ako, kaya po ako nag-resign para mas malaya, mas maging matapang, mas maging matindi pa po ang pakikipagbakbakan natin sa mga kalaban ng pagbabago, sa mga gustong ipabagsak si Pangulong Duterte, ‘yung mga may pansariling interes.” Pahayag ni Uson
(Balitang Todong Lakas Interview)