Nagpaabot ng pakikiramay ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pamilya ng 5 ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na napatay sa Lanao del Sur noong isang linggo.
Personal na binisita ni AFP Chief of Staff General Carlito Galvez ang burol ng mga PDEA agents sa Camp Siongco, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao para makiramay sa pagdadalamhati ng mga ito sa sinapit ng kanilang mga mahal sa buhay.
Kasunod nito, inatasan ni Galvez si Army’s 6th Infantry Division Commander, Major General Cirilito Sobejana na tiyaking mabibigyan ng angkop na tulong mula sa AFP ang pamilya ng mga PDEA agents.
Tiniyak din ng AFP Chief na tutulong din sila sa PNP para mapanagot sa batas ang mga nasa likod ng pananambang sa nga kapatid nilang sumusupil sa iligal na droga sa bansa.
Magugunitang inihayag ni ARMM Police Regional Office Director Chief Superintendent Graciano Mijares na batay sa hawak nilang impormasyon, may presensya umano ng mga nalalabing miyembro ng ISIS inspired terrorist group na Maute sa lugar.
Gayunman, sinabi ng opisyal na hindi pa rin nila inaalis ang anggulong may kinalaman sa trabaho ng mga napatay na PDEA Agents o mga sindikato ng iligal na droga ang nasa likod ng pamamaslang.
“In time of grief, the AFP will always be with PDEA in its fight against illegal drugs. We will do our best to help seek justice for the death of these dedicated gallant agents who died serving the country. With our PNP partner, we will seek justice no matter how long and how hard it will take.” Pahayag ni Galvez
—-