Ipinagpaliban ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang planong total phase out sa mga lumang pampasaherong jeepney sa Marso ng susunod na taon.
Ito ang tiniyak ni LTFRB Chairman Martin Delgra sa isinagawang pagdinig ng Senate committee on public services.
Ayon kay Senadora Grace Poe, chairman ng nasabing komite, lumitaw kasi sa kanilang pagdinig na hindi pa handa ang gobyerno sa implementasyon ng public utility vehicle (PUV) modernation program.
Wala pa rin aniyang itinakdang malinaw na requirements ang pamahalaan para rito.
“Narinig na natin mismo kay Chairman Delgra na ipagpapaliban nila ‘yon kasi ito muna, hindi pa nga malinaw kung papaano makaka-utang ng pera ‘yung mga drayber para makakuha ng bagong sasakyan. Hindi rin malinaw kung ano ba talaga ang magiging requirement para doon sa sasakyan nila. Sa ngayon, hindi pa handa ang gobyerno, mawawalan ng masasakyan ang ating mga kababayan at mawawalan din ng trabaho ang marami.” Pahayag ni Poe.
Hihintayin muna ng Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) ang magiging aksyon ng LTFRB sa hirit nilang dagdag pasahe.
Ito ang tiniyak ni FEJODAP President Zenny Maranan, bagama’t may banta na silang malawakang tigil pasada
Ayon kay Maranan, oras na walang maging aksyon ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa kanilang hirit na fare hike, saka nila ikakasa ang nationwide transport strike lalu’t wala aniya silang kinikita kasunod ng panibago na namang oil price increase ngayong araw.
Kasabay nito, hinimok naman ni Senate committee on public service chairman Grace Poe ang LTFRB na agarang aksyunan at pakinggan ang hinaing ng mga transport group.
Hindi aniya masisisi ang mga transport groups na magsagawa ng tigil pasada lalo na kung hindi naman sila pinakikinggan.
—-