Nagsimula nang mag-ikot sa mga palengke ang inspection teams ng National Food Authority (NFA).
Ayon kay Agriculture Secretary Manny Piñol, layon nito na lagyan ng kilalanin at lagyan ng karatula ang imported at lokal na bigas.
Pinaalalahanan ni Piñol ang mamimili na dapat ay mas mababa ang presyo ng imported na bigas kaysa sa lokal na ani.
Tatanggalin na rin aniya ang mga mapanlinlang na pangalan ng mga bigas tulad ng mga dinurado, angelika at iba pa at papalitan na ito ng uri ng binhi o kung anong variety ng palay nagmula ang bigas.
Kabilang pa rin ito sa hakbang na ginagawa ng NFA para mapatatag ang presyo ng bigas sa pamilihan.
Supply ng palay
Aarangkada na sa Biyernes ang pinaigting na pagbili ng palay ng NFA ng lokal na palay.
Ayon kay Agriculture Secretary Manny Piñol, ilulunsad nila sa Jose Mindoro ang national procurement program ng NFA na nakatutok lang sa pagbili ng aning palay ng ating mga magsasaka.
Bagamat nananatili aniya sa P17 ang buying price ng NFA sa kada kilo ng palay, magbibigay naman sila ng P3.70 kada kilo na insentibo sa magsasaka upang mahikayat silang ibenta sa NFA ang kanilang palay.
Maliban dito, may mga nakalatag rin anyang insentibo ang NFA sa mga grupo ng magsasaka na magde-deliver ng malaking volume ng palay sa NFA.
Sinabi ni Piñol na target niya na pagdating ng panahon ay hindi na aangkat ng bigas ang NFA at ipauuubaya na lamang ito sa pribadong sektor.
—-