Aminado si Senador Aquilino “Koko” Pimentel III na tama ang naging pahayag ni Department of Finance (DOF) Asst. Secretary Tony Lambino na kahit pa suspindihin ang excise tax sa langis ay mananatili pa ring mataas ang inflation rate sa bansa.
Gayunman sinabi ni Pimentel na may iba pang maaaring gawin ang gobyerno para maibsan ang pagtaas ng inflation.
Ayon kay Pimentel, isa na rito ay ang payagan ang maluwag na importasyon ng bigas upang mawala na ang National Food Authority (NFA) monopoly.
Bukod din sa bigas, mainam din aniya na papasukin ang iba pang produkto o pagkain dahil kapag mas marami umanong suplay ay hindi gaanong tataas ang presyo ng mga ito.
Malaki rin umano ang papel ng Banko Sentral ng Pilipinas (BSP) upang mapanatili ang malusog na ekonomiya ng bansa
Kasabay nito hinimok ni Pimentel ang publiko na gumawa o mag produce rin ng mga produkto kung saan maaaring ibenta sa ibang bansa.
(with report from Cely Ortega-Bueno)