Ramdam na ang pagbaba ng presyo ng bigas, gulay at iba pang produktong agrikultural.
binigyang diin ito Department of Agriculture (DA) Secretary Manny Piñol sa harap ng patuloy na paninisi sa mataas na presyo ng bigas kaya’t lumobo umano ang inflation sa bansa.
Iginiit ni Piñol na hindi ang mataas na presyo ng bigas ang nagpataas sa inflation rate kundi ang mga ispekulasyong nag ugat sa TRAIN law.
Nasentro lamang aniya ang pansin sa bigas dahil nawala sa merkado ang National Food Authority (NFA) rice nang ma-delay ang importasyon ng NFA at ng private sector.
Kasabay nito, tiniyak ni Piñol na gugulong na bago matapos ang oktubre, ang mga repormang ipatutupad nila sa industriya ng bigas.
Kabilang dito ang pagtanggal na sa mga mapanlilang na pangalan ng mga bigas at palitan ito ng regular o well milled at pangalan ng variety ng palay na pinagmulan ng bigas.
Lalagyan na rin aniya ng karatula ang mga bigas kung imported o lokal ito.
Samantala, tuloy na rin ang plano ng DA na ibenta ang bigas sa palengke nang naka vacuum pack ng tig isang kilo, limang kilo, 10 kilo at 35 kilo.