Target ng pamahalaan na isagawa ang groundbreaking para sa rehabilitasyon ng Marawi City sa Oktubre 17 kasabay ng anibersaryo ng kalayaan ng lungsod mula sa ISIS-inspired terrorist group na Maute.
Ayon kay Housing Secretary at Task Force Bangon Marawi Chairperson Eduardo Del Rosario, puspusan na ang kanilang paghahanda sa mga isasagawang aktibidad para sa groundbreaking.
Sinabi ni Del Rosario, nakatutok sila ngayon sa paglilinis ng mga debris na idinulot ng sagupaan sa Marawi City.
Gayunman, hindi pa rin inaalis ni Del Rosario ang posibilidad na muli ng maantala ang groundbreaking para sa rehabilitasyon ng Marawi City dahil kailangan din nilang tiyaking ligtas na ang lugar para sa pagdalo ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Magugunitang orihinal na planong isagawa ang groundbreaking noong Hunyo pero ilang beses naantala matapos na matagalan sa pagpili ng private developer para sa proyekto.