Pinabulaanan muli ni Agriculture Secretary Manny Piñol na may ipinag-utos si Pangulong Rodrigo Duterte na unimpeded rice importation o walang limitasyong pag-aangkat ng bigas.
Ito ay taliwas sa inihayag noon ni dating Presidential Spokesperson Harry Roque.
Sa pulong balitaan sa Malacañang, sinabi ni Piñol na pinayagan lamang ni Pangulong Duterte ang importasyon ng bigas ngunit may mga kailangan pa ring sundin na proseso ang mga rice trader gaya ng pagkuha ng importation permit.
Kasabay nito, ipinabatid ng kalihim na nakatakda nang isapinal sa Oktubre 18 ang suggested retail price (SRP) sa presyo ng bigas.
Binigyang diin din ni Piñol na mas magiging mura na dapat ang presyo ng bigas dahil sa maraming suplay na nito bunga ng pagdating ng mga inangkat na bigas na sumabay pa sa harvest season.
—-