Umapela sa mga kakandidato sa halalan ang AFP o Armed Forces of the Philippines hinggil sa mga ginagawang raket ng CPP-NPA para makakalap ng pondo.
Ito’y kasunod ng muling pagpapa-iral ng NPA sa kanilang ‘Permit to Campaign at Permit to Win’ modus kung saan ayon sa AFP ay bilyun-bilyong piso ang kanilang nakokolekta.
Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Col. Noel Detoyato, bagama’t simpleng pangingikil lamang aniya ang ginagawa ng mga komunista pero ito ang nais matuldukan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana.
Sinabi ni Detoyato na may ipinatutupad na fixed price ang mga rebelde depende sa tatakbuhang posisyon ng mga kandidato para hindi sila patayin o tiyakin ang kanilang pagkapanalo kapalit ang ilang pabor.