Nag-alok ng mas murang diesel ang Petron Corporation sa pamahalaan na mas mura ng mula P11 hanggang P17 kada litro.
Pahayag ito ni Petron President at CEO Ramon Ang sa harap ng plano ng Philippine National Oil Company Exploration Corporation (PNOC-EC) na pag-aari ng pamahalaan na umangkat ng hanggang dalawang bilyong pisong halaga ng mas murang diesel sa Singapore.
Ayon kay Ang, kung ililibre ng pamahalaan sa buwis ang aangkating diesel ng PNOC-EC para mapamura ang presyo, mas makakabuti kung sa Petron na lamang sila bumili sa halip na mag-import.
Maaari naman aniya silang bigyan na lamang ng certification para sa Bureau of Internal Revenue na nagbenta sila ng murang diesel sa pamahalaan.
Maliban dito, sinabi ni Ang na Euro 5 o Euro 6 ang puwede nilang ibenta sa gobyerno na mas maganda ang kalidad kumpara sa Euro 4 na planong bilhin ng PNOC-EC sa Singapore.
DOE, blangko pa sa alok ng Petron Corp.
Blangko pa ang Department of Energy sa alok ng Petron Corporation na magbenta ng mas murang diesel kumpara sa planong pag-import ng pamahalaan sa Singapore.
Ayon kay DOE Undersecretary Donato Marcos, wala pang pormal na komunikasyon sa kanila ang Petron Corporation.
Sa ngayon aniya ay plantsado na ang pag-import ng mas murang diesel sa Singapore sa pamamagitan ng Philippine National Oil Company Exploration Corporation.
Garantisado aniyang limang pisong mas mababa ang presyo nito sa kasalukuyang pump price ng diesel.
Prayoridad na mabentahan ng murang disel ang mga pampublikong sasakyan at mga mangingisda.