Hindi pabor ang Malakanyang sa panukala ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na isailalim sa random o surprise drug testing ang mga kandidato sa 2019 midterm elections.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, dapat na gawing boluntaryo at hindi kinakailangang pwersahan ang pagsasagawa ng drug testing sa mga kandidato.
Ito aniya ay upang maiwasang may malabag sa karapatang pantao ng mga ito.
Paliwanag ni Panelo, kung wala namang itinatago ang mga kandidato, nakatitiyak siyang magkukusa na ang mga ito na sumailalim sa drug testing.
Magugunitang ipinanukala ng PDEA ang pagsasagawa ng suprise at random drug testing sa mga kandidato para hindi anila makapaghanda ang mga ito at malaman ng mga bontante kung sino ang mga gumagamit ng iligal na droga.
Walang batayan ang ‘surprise random testing’ — Lacson
Hindi uubra at walang ligal na batayan ang nais ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na isailalim sa random o surprise drug testing ang mga kandidato sa 2019 midterm elections.
Ito ang iginiit ni Senador Panfilo Lacson.
Ayon kay Lacson, maaari lamang isagawa ang random drug testing kung may expressed consent o payag ang taong isasailalim dito.
Hindi aniya ito maaaring ipilit ng PDEA o ibang pang law enforcement agency ang pagsasailalim sa drug testing.
Magugunita naman na noong 2008, idineklara ng Korte Suprema na unconstitutional ang mandatory drug test na kabilang sa probisyon ng Comprehensive Dangerous Drugs Law.