Lalarga na bukas, Oktubre 22 ang una sa tatlong serye ng pagdinig ng national wage board para sa hirit na dagdag sahod sa mga manggagawa.
Kasunod nito, ihihirit ng ALU-TUCP o Alliance of Labor Unions – Trade Union Congress of the Philippines na gawing P334 ang igagawad na umento sa sahod.
Sa panayam ng DWIZ kay ALU-TUCP spokesman Alan Tanjusay, sinabi nito na hindi na kinakaya ng mga manggagawa ang sobra-sobrang taas ng presyo ng mga bilihin dulot ng mataas na inflation.
“For example, yung minimum wage dito sa Metro Manila ay 512, pero ang kanyang purchasing power noong October 2017, ay nasa 362, pero ngayong buwan, ang kanyang purchasing power ng 512, ay nasa 340 pesos na lamang so ang laki ng ibinagsak.”
Tiwala naman si Tanjusay na pakikinggan sila ng regional tripartite wages and productivity board sa NCR dahil makatutulong ito kahit paano sa mga manggagawa sa kalakhang Maynila.
Kasunod nito, sinabi ni Tanjusay na hindi dapat na pangunahan ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang magiging pasya ng wage board bilang siya ang chairman nito.
Magugunitang ipinahiwatig ni Bello sa isa sa mga panayam sa kaniya na posibleng P20 ang maging umento sa suweldo sa mga manggagawa sa Metro Manila na dapat sana’y inanunsyo ngayong buwan.
“So unang-una, hindi po tama ito dahil ang DOLE ang chairman ng wage board at dapat kapag ikaw ay chairman, ikaw ay neutral. Ikaw ay hindi magsasabi kung magkano ang ilalabas na wage amount, so sa amin, hindi naming tinatanggap itong mga ganitong pahayag ni Sec. Bello.”
(From Pulis @ Ur Serbis interview)