Planong bisitahin ng IPU o Inter-Parliamentary Union sina Senador Antonio Trillanes IV at ang nakakulong na si Senadora Leila De Lima.
Ito’y kasunod na rin ng pagkabahala ng naturang samahan ang anila’y dinaranas na pang-uusig sa kanila ng administrasyong Duterte.
Sa magkahiwalay na resolusyong ipinasa ng IPU sa pagtatapos ng 139th IPU assembly na isinagawa sa Geneva sa bansang Switzerland, inihayag nito na may natatanging pananagutan ang senado upang tiyaking magkaroon ng boses ang lahat ng mga miyembro nito.
Umaasa rin ang IPU sa liderato ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na gumawa ng hakbang para pangalagaan at protektahan ang karapatan ni De Lima, hindi lamang bilang isang babae kung hindi isang mambabatas.
Kasunod nito, umapela rin ang IPU sa korte na igawad ang makatarungang desisyon nito para kay Trillanes na nahaharap sa pagka-aresto kaugnay sa kasong kudeta na kinahaharap nito.