Ikinatuwa ng Malakaniyang ang naging resulta ng pinakabagong survey ng SWS o Social Weather Stations.
Ito’y makaraang makakuha ng positibong net satisfaction ratings sa ikatlong bahagi ng taon na mas mataas ng anim na puntos kumpara noong Hunyo.
Ayon kay Presidential Spokesman Atty. Salvador Panelo, patunay lamang ito na kinikilala at nasisiyahan ang mga Pilipino sa ginagawa ng administrasyon na patatagin ang presyo ng mga pangunahing bilihin.
Dahil dito, sinabi ni Panelo na magsisilbi sa kanilang inspirasyon ang bagong resulta na ito ng survey at hindi sila titigil hangga’t hindi naihahatid ang magandang buhay para sa lahat ng mga Pilipino.
Magugunitang nakakuha ng 48 percent na net satisfaction ratings ang mga miyembro ng gabinete sa isinagawang survey mula Setyembre 15 hanggang 23.
Habang ang nakakuha naman ng pinakamataas na net satisfaction ratings ang Senado na 68 porsyento.
Sa panig naman ng senado, sinabi ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na lalo pa nilang pagbubutihin ang pagtatrabaho at asahang marami pang panukalang maisasabatas sa pagtatapos ng taon.
“It emanates to the people siguro kaya ganun ang tanggap nila at ako naman ay nagpapasalamat po na nakikilala nila, nagpapasalamat ako na nakikita nila na yung trabaho natin ay nakakatulong sa ating mga kababayan.”
(From Usapang Senado interview)