Ipinasara ng mga otoridad ang mahigit 20 minahan sa Kabayan, Benguet.
Kasunod na rin ito ng stoppage order na inisyu ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy Cimatu laban sa operasyon ng lahat ng small scale mining sa buong Cordillera Administrative Region (CAR).
Ipinabatid ni Police Inspector John Dangiwan, deputy chief of police ng Kabayan Municipal Police Station na mahigit 50 small scale miners ang naapektuhan sa pagpapasara sa mga naturang minahan lalo na sa barangay Gusaran at Cotcot.
Gayunman, tiniyak ni Dangiwan na maayos ang naging usapan ng mga apektadong minero sa lokal na pamahalaan ng Kabayan.
Mahigpit aniya ang payo nila sa mga minero na huwag tangkaing bumalik sa minahan hanggang walang utos mula sa DENR para hindi maaresto.