Tiniyak ng Philippine Amusement and Gaming Corporation o PAGCOR ang kanilang pagtalima sa hirit ng Boracay Inter-Agency Task Force o BIATF na kanselahin ang lahat ng lisensya ng mga casino sa isla.
Alinsunod ito sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipagbawal ang mga casino sa pangunahing tourist destination sa bansa sa gitna ng nakatakdang pagbubukas muli nito sa Biyernes, Oktubre 26.
Ayon kay Jose Tria, Chief Executive Officer at Special Assistant to the PAGCOR Chairman, sa katunayan ay agad nilang ipinag-utos ang pagpapasara sa mga casino sa Bora matapos matanggap ang letter-request ng BIATF.
Nilinaw naman ni Tria na dalawa lamang ang casino sa Boracay na may lisensyang inissue ng PAGCOR, una ay ang planong Galaxy Entertainment Group mula Macau at ang Alpha Allied Holdings Limited na nag-o-operate sa Movenpick Boracay.
Gayunman, ipinag-utos na aniya nila ang pagpapasara sa casino ng Alpha Allied habang indefinitely suspended ang lisensya ng Galaxy Group na hindi pa naman nagtatayo ng anumang physical structures sa isla.
—-