(Sa panulat ni Abigail Tan, DWIZ Correspondent)
Napaluha sa galak ang mga inmates o PDL (Persons Deprived of Liberty) ng Antipolo City Jail nang binasa ng kanilang mga anak na naluluha din ang ginawang liham ng mga ito (anak) na naglalaman ng pasasalamat, pag-aalala at pagmamahal para sa kanilang mga nakakulong.
Ang okasyong ito ay pamaskong handog ng DWIZ 882 sa pamumuno ng kanilang News Director at Head ng Public Service na si Jun R. Del Rosario, kasama ang mga staff ng Public Service, Sales, Marketing, HR, Traffic, Finance, 97.9 Home Radio at ng Antipolo City Jail na pinamumunuan naman ni J/Supt. Mirasol Vitor.
Nagkaroon ng mga palaro para sa mga PDL ka-partner ang kani-kanilang mga anak, may awitan, at may sayawan din na pinangunahan naman ng mga sundalo mula sa 11th CMO Battalion ng Philippine Army.
Bahagi ng programa ang masayang pagtanggap ng mga anak ng PDL ng mga regalo at laruan mula sa donasyon ng PAGCOR, at ang ikalawang bahagi ay ang madamdaming pagtanggap ng mga PDL ng liham mula sa kanilang mga anak o pamangkin kasama ang regalong toiletries na donasyon naman ng SOGO Hotel at Taguig Lions Club International.
Walang pagsidlan ang kaligayahan ng mga PDL nang mayakap at makasalo nila ang mga anak at mga asawa sa pagkain, mga tinapay at juice na pahatid nina Ms. Mocha Uson, ng Gardenia, Tinapayan Festival, Pingping Lechon at ng Tang.
Layon ng nasabing proyekto na maipadama sa mga inmates na habang naghihintay sila ng desisyon sa kani-kanilang mga kaso sa loob ng rehas ay may mga tao pa rin na nagmamahal at nagpapahalaga sa kanila.
Ayon sa mga PDL, ang ilang oras na pagsasama-sama nila bilang pamilya ay siyang pinakamahalagang regalo na natanggap nila ngayong darating na kapaskuhan.