Muling nagbabala sa publiko ang Bangko Sentral ng Pilipinas o BSP hinggil sa paglipana na naman ng mga pekeng pera ngayong holiday season.
Ayon sa BSP, dapat suriing mabuti ng publiko ang mga perang kanilang hawak upang matiyak na tunay ang kanilang gagamitin sa pamimili.
Binigyang diin ng BSP ang “feel-look-tilt” method sa pagsusuri ng perang hawak o ang pagsalat, mabusising pagtingin at pagtingin dito sa liwanag.
Bilang bahagi ng security features, masasalat naman ang mga naka-embossed sa materyal ng perang hawak; makikitang makintab ang ilang bahagi ng pera at may mga imaheng makikita lang sa tunay na pera kapag itinapat sa liwanag na tila anino.
Sakaling makatanggap ng pekeng pera, hinimok ng BSP ang publiko na ipagbigay alam lamang sa kanila sa mga telepono bilang 988-4822 o makabubuti ring bisitahin ang kanilang website.