Inalmahan ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang alegasyon na ‘front’ lamang ng Communist Party of the Philippines o CPP ang NUJP.
Ayon sa NUJP, walang katotohanan ang pinalulutang ng isang Mario Ludades na isa sa mga tagapagsalita ng “No to Communist Terrorist Group Coalition” at leader ng indigenous people sa Cordillera.
Dahil anila sa alegasyon ni Ludades ay maaaring malagay sa peligro ang kanilang grupo maging ang mga opisyal at miyembro nito.
Samantala, nanawagan naman ang NUJP sa Presidential Task Force on Media Security na silipin ang post ng grupong tumarget sa mamamahayag ng Inquirer na si Julie Alipala.
Setyembre nang akusahan ng isang kaduda-dudang Facebook group si Alipala na bayarang propagandista ng Abu Sayyaf dahil lamang sa ulat ng umano’y pag-massacre ng militar sa pitong magsasaka.