Kinasuhan na sa Ombusdman ng Western Visayas Police Regional Office ang mag-amang sina Guimbal Iloilo Mayor Oscar Garin at anak na si Iloilo Representative Richard Garin.
Kasunod ito ng insidente ng pambubugbog ng mag-ama sa pulis na si PO3 Federico Macaya noong Miyerkules.
Ayon kay Western Visayas Police Regional Director Chief Supt. John Bulalacao, walong kasong kriminal at apat na kasong administratibo ang kanilang isinampa laban sa mag-amang Garin.
Kabilang aniya rito ang direct assault, grave coercion, grave threat, physical injuries, slander by deeds, serious illegal detention, alarm and scandal, grave misconduct, conduct unbecoming of public official, oppression and abuse of power at conduct prejudicial to the interest of the people.
Kasabay nito, ipinag-utos na ni Bulalacao ang pagbawi sa mga baril ng mag-amang Garin kasunod na rin ng atas ni PNP Chief Director Oscar Albayalde na kanselahin ang ipinagkaloob na lisensiya sa mga ito.
“Lahat ng ito ay sana tumayo sa court para naman hindi mawala ng saysay yung mga pagsusumikap namin na ma-address yung issue laban dito sa mga Garin. Yung mga firearms na na-issue sa kanila ay pinasasauli ko na at nangako naman ang anak ni Mayor Garin na vice mayor dito sa amin, na isu-surrender na raw yung mga baril ngayong umaga. Otherwise, kapag hindi nila sinurrender ito, we will initiate police action.”
(From Karambola interview)