Niyanig ng magnitude 7.2 na lindol ang Davao Oriental kaninang alas 11:35 ng umaga.
Ayon kay PHIVOLCS Director Renato Solidum, naitala ang epicenter ng lindol sa bahagi ng karagatan sa layong 170 kilometro timog silangan ng Governor Generoso at may lalim na 54 na kilometro.
Tectonic naman ang pinagmulan ng nasabing lindol.
Kasunod nito, nagpalabas ng tsunami advisory ang PHIVOLCS sa pagitan ng alas 12:00 ng tanghali hanggang kaninang alas 2:00 ng hapon.
Sinabi ni Solidum, hindi inaasahang magiging malaki ang alon kung sakaling magkaroon ng tsunami at hindi na rin kinakailangang magpalikas.
Gayunman, kanila pa ring pinapayuhan ang mga residenteng malapit sa baybayin na lumayo pansamantala sa dagat.
Sakop ng advisory ang mga lalawigan ng Compostela Valley, Davao Del Norte, Davao Del Sur, Davao Oriental, Davao City, Sarangani, South Cotabato, Agusan Del Norte, Agusan Del Sur, Surigao Del Norte at Surigao Del Sur.
Inatasan ng Malakanyang ang lahat ng mga LGU o Local Government Units malapit sa Mindanao na mahigpit na bantayan ang sitwasyon sa kani-kanilang mga nasasakupan.
Kasunod ito ng pagtama ng magnitude 7.2 na lindol sa Davao Oriental.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, kinakailangang magpatupad ng ibayong pag-iingat ng mga lokal na opisyal lalo na sa mga coastal areas dahil sa posibilidad ng mga aftershocks o tsunami matapos ng malakas na lindol sa karagatang sakop ng governor generoso.
Hinimok din ni Panelo ang lahat na manatiling naka-alerto at makipag-ugnayan sa kani-kanilang mga local officials kasabay ng pagdarasal para sa kaligtasan ng lahat.