Ilang mga bayan sa Region 5 o Bicol at Region 8 o Eastern Visayas ang binaha at nawalan ng suplay ng kuryente dahil sa pananalasa ng Bagyong Usman bagama’t humina na ito at isa na lamang low pressure area.
Ayon kay NDRRMC o National Disaster Risk Reduction and Management Council Director at Spokesperson Edgar Posadas, kabilang sa binaha ang mga bayan ng Lope De Vega, Catarman at San Roque sa Northern Samar.
Gayundin ang lungsod ng Calbayog at bayan ng San Jorge sa Samar.
Hindi rin aniya madaan sa ngayon ang Catarman-Calbayog Road, Lope De Vega Road, Catarman Diversion Road, Borngan Road at Calbayog Road dahil sa baha.
Kabilang naman sa mga nawalan ng suplay ng kuryente ang Almagro, Santo Niño at Libucan sa Samar, Batag Biri at San Antonio sa Northern Samar gayundin ang linya ng kuryente sa bahagi ng Leyte.
Samantala, sa ulat ng Office of Civil Defense, aabot na sa 73 pamilya ang maaga nang inilikas sa Northern Samar dahil sa Bagyong Usman habang nasa 1,666 sa Bicol Region.