Patuloy pa ring nakararanas ng sama ng panahon ang malaking bahagi ng lalawigan ng Camarines, sa kabila ng pagkakatanggal ng storm signal dito.
Bunsod nito, magkakasunod na landslide ang nangyari sa mga bayan ng Caramoan, Sipocot, Balatan, Garchitorena, Presentacion at Lagonoy sa Camarines Sur.
Ayon kay Cris Rivero ng Environment Disaster Management and Emergency Response Office (EDMERO), dahil dito, hindi na madaanan ang ilang mga lugar sa Caramoan, Garchitorena at Presentacion.
Kaugnay nito, tuloy tuloy ang isinasagawang beripikasyon sa sinasabing dalawang katao ang nasawi dahil sa pagguho na nangyari sa Lagonoy.
Sinabi naman ng operations center ng Camarines Norte, malaking bahagi na ng probinsya ang apektado ng pagbaha doon.
Pahayag ni Rivero, maging sa mga lugar ng Labo at Sta. Elena, Camarines Norte ay may nangyari naring pagguho ng lupa.
May impormasyon pa aniya na isang bahay ang natabunan ng lupa sa bayan ng Labo.
Mahigit 174 barangay sa Camarines Sur lubog sa baha
Lubog sa baha ang maraming lugar sa lalawigan ng Camarines Sur kasunod ng walang humpay na pagbuhos ng ulan na dulot ng low pressure area sa Visayas Region.
Ayon kay Environment Disaster Management and Emergency Response Officer Cris Rivero, pumalo na sa 174 na mga barangay na mula sa 26 na mga bayan ang naapektuhan ng pagtaas ng tubig.
Nanatili naman aniya sa mga evacuation centers ang nasa 1,441 families o 3,429 na katao.
Habang umabot naman sa mahigit 1,500 na mga evacuees ang naitala sa camarines norte na pawang galing sa mga bayan ng Daet, Basud, Talisay, Labo, Mercedes at Vinzons.
Ilan sa mga kalsada sa naturang lalawigan ang hindi na nadaanan ng mga sasakyan dahil sa matinding pagbaha.
Bunsod nito, patuloy namang nakaantabay ang mga rescue team sa mga nasabing lugar para sa mga posibleng pagresponde.