Nakaligtas sa pamamaril ng dalawang di nakilalang gunmen ang isang radio broadcaster sa bayan ng Tago, Surigao del Sur.
Ayon sa ulat ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), pauwi na ang brodkaster na si Jose Salinas Pimentel lulan ng kanyang motorsiklo nang bigla na lamang daw itong barilin ng riding in tandem.
Pahayag ni NUJP Tandag Director Judith Suarez, naganap ang insidente sa kahabaan ng National Highway-Purok Manga II, Barangay Purisima.
Nagawa umanong makaligtas sa naturang pananambang ng kwarenta’y nwebe anyos na brodkaster na nanatiling kalmado sa kabila ng pangyayari.
Kilala si Pimentel sa mga hard-hitting commentaries nito laban sa mga lokal na opisyal sa current affairs program nito sa 100.7 FM Radyo Bandera Philippines sa Tandag City.
Sinabi ni Suarez, na na-trauma si Pimentel kaya’t nagtatago ito sa isang ligtas sa lugar.
Patuloy ngayon ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad sa insidente.