Umakyat na sa 71 ang bilang ng nasawi sa pananalasa ng bagyong Usman.
Karamihan o 57 ay mula sa bulubunduking bahagi ng Bicol Region habang ang nalalabi ay mula sa Eastern Visayas at pawang mga biktima ng landslides.
Ayon kay Office of Civil Defense-Region 5 director Claudio Yucot, pinangangambahang madagdagan pa ang bilang ng fatalities sa gitna nang nagpapatuloy na search and rescue operation.
Aminado si Yucot na nabigo ang karamihan sa mga biktima ng kalamidad na paghandaan ang pagtama ng bagyo dahil hindi naman ito malakas partikular ang hanging dala nito bagkus ay nagdulot ng matinding pag-ulan.
Samantala, isinailalim na rin sa state of calamity ang mga lalawigan ng Camarines Norte at Albay dahil sa lawak ng pinsalang idinulot ng bagyo.