Mas pinaigting pa ng Philippine National Police ang pagbabantay sa mga mataong lugar sa Mindanao upang hindi maulit ang hinihinalang pag-atake ng terorista sa Cotabato City.
Gayunman, sinabi ni Chief Supt. Benigno Durana, spokesman ng PNP na hindi naman kakayanin ng pulisya na bantayan ang lahat ng sulok ng Mindanao.
Dahil dito, nangangailangan rin aniya sila ng suporta mula sa taumbayan lalo na sa pagresolba sa sa pinakahuling kaso ng pagpapasabog sa entrance ng South Seas Mall sa Cotabato City.
Matatandaan na dalawa ang nasawi sa insidente at mahigit pa sa tatlumpu ang sugatan na kinabibilangan ng mga bata.
Nanawagan si Durana sa mamamayan na ibigay ang kanilang kooperasyon sa PNP at agad ipagbigay alam kapag ang kahit na anong bagong impormasyon na makakatulong upang mahuli ang mga salarin.
Nauna nang inihayag ng PNP na ang pagpapasabog ay posibleng kagagawan ng Daula Islamiyah o ng iba pang local extremist groups.