Nakatakdang bumisita si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Usman sa Bicol ngayong araw.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, pupulungin ng Pangulo ang mga opisyal ng probinsya para matukoy kung ano pa ang mga kinakailangang ayuda na maaring ipagkaloob ng gobyerno.
Sinabi ni Panelo na ikinalungkot ng Pangulo ang naging kalamidad bagama’t naghanda ang mga opisyal ng pamahalaan ay may mga bagay pa rin na hindi makontrol tulad nga ng bagyo.
Magsasagawa ang Pangulo ng aerial inspection bago dumalo sa gagawing briefing sa Pili, Camarines Sur.
Naitala ang pinakamaraming bilang ng nasawi sa Bicol Region na umabot sa humigit-kumulang 100 katao.
—-