Puspusan na ang preparasyon ng mga Cebuano para sa Sinulog 2019, ang ikalawang pinakamalaking lokal na kapistahan sa bansa.
Pangunahing tinututukan ng Cebu City Government ang seguridad sa tulong ng Cebu Provincial Police Office at sa mga lugar na pagdarausan ng iba’t-ibang aktibidad lalo ng grand parade sa Enero 20.
Ayon kay Councilor Dave Tumulak, chairman ng executive committee ng Sinulog Foundation Incorporated, nasa P30 million ang gastos ng pamahalaang lungsod para sa selebrasyon.
Ito rin aniya ang unang beses na magsasagawa ng limang minutong musical fireworks display sa Cebu City Sports Center na isa sa highlights ng parada.
Inaasahang milyun-milyong deboto ng Santo Niño ang daragsa sa naturang kapistahan.