Umabot sa mahigit isang libo at dalawang daan (1,200) ang nilapatan ng lunas ng Philippine Red Cross (PRC) sa naging traslacion ng Itim na Nazareno.
Ayon sa PRC, ilan sa mga deboto ang nahilo dahil sa siksikan sa prusisyon.
Marami ring senior citizens ang nagpatingin ng kanilang blood pressure habang ang ilan ay kinailangan na bigyan ng oxygen para matulungang makahinga.
Isang hijos ang isinugod sa ospital matapos na mahampas ng lubid nang magkaagawan habang isa pang hijos ang nawalan naman ng malay.
Isang libong (1,000) volunteers ng Red Cross ang ipinakalat sa labing dalawang (12) first aid and welfare stations na nasa mga kalsadang dinaanan ng traslacion.
Maliban sa first aid, tumulong rin ang mga Red Cross stations sa mga report ng nawawalang miyembro ng pamilya, nagbibigay ng referral service, counselling at psycho-social support.
Naglagay rin ang PRC ng emergency medical units sa Andres Bonifacio Shrine, isang outdoor hospital arrangement kung saan puwedeng gamutin ang mga sakit o sugat na hindi kaya ng first aid.
Habang ginaganap ang traslacion ay naka-standby lamang ang limampung (50) ambulansya, tatlong rescue boats, amphibian at rescue vehicles.
—-