Nilagdaan na bilang isang ganap na batas ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Philippine HIV and AIDS Policy Act.
Layon ng nasabing batas na magpatupad ng mga polisiya na makakatulong sa pagsugpo sa patuloy na pagdami ng bilang ng kaso ng HIV/AIDS sa bansa.
Ayon kay Presidential Spokesman Atty. Salvador Panelo, inamyendahan ng bagong batas Ang Philippine AIDS Prevention and Control Act of 1998 dahil kailangang baguhin ang istratehiya kaugnay sa nasabing problema.
Batay Sa tala ng Department of Health (DOH), nadagdagan ng 8,533 ang bilang ng mga nahawaan ng HIV sa bansa sa pagitan lamang ng Enero hanggang Setyembre ng nakalipas na taon.
Sa nasabing bilang, lumalabas na mayroong 32 bagong kaso ng HIV Infection ang naitatala sa bansa araw-araw.
Kasabay nito, pinapurihan naman ni Panelo ang mga mambabatas kabilang na ang mga stakeholders na nagsulong upang maipasa ang panukalag batas na tutugon sa problema ng HIV/AIDS sa Pilipinas.