Tiniyak ng Malacañang na gagamitin sa proyektong pangkalusugan ng pamahalaan ang anumang dagdag kita na makukuha ng gobyerno sa additional excise tax sa alak at sigarilyo.
Ang pahayag na ito ay ginawa ng Palasyo matapos lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang karagdagang buwis na ipapataw sa sigarilyo at mga nakalalasing na produkto.
Ayon kay Presidential Spokesperson Atty. Salvador Panelo, direktang ilalaan ang kita nito para sa libreng pagpapagamot ng lahat ng mga Pilipino sa ilalim ng kaaapruba pa lamang na batas kaugnay sa Universal Health Care Program.
Dagadag ni Panelo, maaari rin itong ituring na isang public health measure ng pamahalaan upang magkaruon ng malaking kabawasan sa datos ng mga namamatay dahil sa labis na paninigarilyo at pag-inom ng alak.
—-