Hindi umano minasama ni Commission on Audit (COA) Chairman Michael Aguinaldo ang mga banta na tila pagbabanta ni Pangulong Rodrigo Duterte sa COA.
Ito ang inihayag ni Presidential Spokesman Salvador Panelo matapos nitong makausap sa isang kilalang restaurant si Aguinaldo sa San Juan City, noong Huwebes.
Ayon kay Panelo, hindi sinasadyang nakasabay niya sa restaurant ang COA chairman kaya’t nagkaroon siya ng pagkakataong makausap ito nang personal.
Nauunawaan aniya mismo ni Aguinaldo ang mga nais ipahiwatig ni Pangulong Duterte sa mga naging banat nito sa kanilang tanggapan.
Ipinunto ni Panelo na batid naman ni Aguinaldo na mahilig magbiro ang pangulo at naiintindihan din niya ang nais nitong ipahiwatig.
Iginiit naman ng Palace official na mabuti pa ang mga binabanatan ni Pangulong Duterte ay naiintindihan ang mga biro nito subalit ang mga walang sapat na pang-unawa ay walang tigil sa pagbatikos.