Pinabulaanan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga balitang target ng pamahalaan na ligtas nang malalanguyan ang Manila Bay pagsapit ng Disyembre.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Environment Undersecretary Benny Antiporda na hindi basta-basta malilinis sa maikling panahon ang Manila Bay.
Sa pagtaya ng ahensya, posibleng abutin ang rehabilitasyon ng Manila Bay ng hanggang tatlumpung (30) taon.
“Wala pong sinasabing December maaayos, wala pong ganun, ‘yun pong nakita sa pahayagan na sinasabing December ay ayos na, December ay puwede nang mag-swimming doon, misquoted po ang ating butihing kalihim doon, ang sinasabi po is within 6 months ay may mararamdaman tayong drastic change on the rehabilitation of Manila Bay, napakalaki po ng Manila Bay, we can say a part of it na puwede na tayong makalangoy pero hindi lahat ‘yan ay malilinis in just a wink of an eye, ‘yung ganyang kalaking lugar it will take us 10 to 30 years para masabi natin na talagang malinis na malinis ‘yan.” Ani Antiporda
Sa kabila nito, kumpiyansa si Antiporda na sa pamamagitan ng inisyatibong ito ng kasalukuyang administrasyon ay darating din ang araw na malilinis nang tuluyan at babalik ang dating ganda ng Manila Bay.
“Kung hindi natin uumpisahan ngayon kailan po natin uumpisahan? ‘Yun po ang tanong diyan dahil hindi namin mai-a-assure ‘yun dahil hindi natin puwedeng sabihin kung sino ang suusnod na mamumuno pero ‘yan po ay may mandamus. Ang nakita natin dati lahat naman po kumikilos eh pero hindi po maganda ang koordinasyon at kooperasyon and at the same time ‘yung suporta ng Pangulo, eh ngayon may Pangulo tayo na may political will na buong-buo ang suporta para sa proyektong ito kung kaya’t nakikita namin na magiging matagumpay ito.” Pahayag ni Antiporda
(Ratsada Balita Interview)