Tinukoy na ang maaaring paglaanan ng pitumpu’t limang (75) bilyong pisong tatanggalin sa pondo ng Department of Public Works and Highways o DPWH na naisingit sa 2019 proposed national budget.
Ayon kay Senador Panfilo Lacson, maaaring ilagay ang malaking bahagi ng naturang pondo sa slope protection ng mga kalsada sa Northern Luzon partikular na sa Baguio, La Trinidad, Itogon, Sablan, Tuba at Tublay o “Blistt” sakaling sang-ayunan ito ng kanyang mga kasamahan sa Senado.
Karaniwan aniyang hindi madaanan ang naturang mga kalsada tuwing nagkakaroon ng landslide.
Gayunman, kailangan munang magkonsulta ng DPWH sa Mines and Geo-Sciences Bureau at iba pang may kaugnayang mga ahensya para masigurong hindi bloated o pinalaki ang magiging kompyutasyon sa pondo ng naturang proyekto.
(Ulat ni Cely Bueno)