Pinakakansela sa korte ni dating Davao City Vice Mayor at Presidential son Paolo Duterte ang inilagak na piyansa ni Senador Antonio Trillanes IV.
Kaugnay ito ng apat na bilang ng kasong libelo na isinampa ng nakababatang Duterte laban sa senador.
Batay sa inihaing mosyon ng kampo ni Duterte, iginiit nitong lumabag ang senador sa mga kondisyon sa kanyang piyansa matapos itong umalis ng bansa noong Disyembre 11 nang walang permiso mula sa Davao Regional Trial Court.
Dapat aniyang ipag-utos muli ng korte ang pagpapaaresto kay Trillanes para maibalik ang kanilang hurisdiksyon sa senador.
Samantala, binigyang diin naman ni Trillanes na walang basehan ang inihaing mosyon ni Duterte.
Ayon kay Trillanes, tinanggap ng Davao City Regional Trial Court ang kanyang pagpapaalam na bibiyahe sa ibang bansa nang tumanggi itong magpalabas ng hold departure order laban sa kanya.
Dagdag ni Trillanes, kanya ring pinatunayan na hindi siya flight risk nang bumalik siya sa bansa at dumalo sa kanyang arraignment sa Davao.
(Ulat ni Cely Bueno)