Mas lumala pa ang krisis sa karapatang pantao sa Pilipinas nitong 2018 sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Batay ito sa ipinalabas na taunang world report ng Human Rights Watch (HRW).
Ayon sa grupo, umabot na sa halos limang libo (5,000) ang bilang ng mga nasawing suspected drug user at pusher sa mga ikinasang operasyon ng pulis sa ilalim ng war on drugs ng administrasyong Duterte simula July 1, 2016 hanggang September 30, 2018.
Hindi pa anila kasama sa nasabing bilang ang libu-libong pinatay ng mga hindi pa nakikilalang mga gunmen na tinatawag ng pulisya na homicide under investigation.
Sinabi pa ng HRW, hindi nila matukoy ang eksaktong bilang ng mga nasawi sa war on drugs dahil sa kabiguan ng pamahalaan na magpalabas ng mga datos hinggil dito.
Binanggit din ng HRW ang pasiya ni Pangulong Duterte na kumalas sa International Criminal Court (ICC) dahil sa pasiya ng nasabing korte na imbestigahan ang mga kaso ng pagpatay na may kinalaman sa kampanya kontra iligal na droga ng pamahalaan.
—-