Mas paiigtingin na ang paghuli sa mga jaywalkers.
Ito ang inihayag ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) dahil sa umano’y pataas nang pataas na bilang ng mga lumalabag sa mga ordinansa kontra jaywalking.
Ayon kay Jojo Garcia, general manager ng MMDA, bukod sa multang limangdaang piso at walong oras na community service kanila nang pinag-aaralan ang bagong parusang ipapataw sa mga jaywalkers.
Bago matapos aniya ang buwan kanilang ilalatag na ang panukala sa Metro Manila Council (MMC) para magkaroon na ng koordinasyon sa National Bureau of Investigation (NBI).
Sinabi ni Garcia na hindi mabibigyan ng NBI clearance ang mga jaywalkers na mabibigong mag multa o makatupad sa community service.
Giit ni Garcia maituturing din na traffic obstruction ang mga taong pakalat-kalat sa kalsada.