Inatasan na ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang Armed Forces of the Philippines na itaas na sa heightened level ang kanilang alert status matapos ang magkasunod na pambobomba sa Jolo, Sulu.
Pinatututukan na ni Lorenzana sa militar ang lahat ng pook sambahan at pampublikong lugar at maglatag ng mas mahigpit na seguridad upang maiwasan ang mga panibagong pag-atake.
Tiniyak naman ng kalihim sa publiko na gagamitin ng militar ang buong puwersa nito katuwang ang mga law enforcement agency upang mapanagot sa batas ang mga nasa likod ng insidente.
Nananawagan naman si Lorenzana sa mga mamamayan lalo ang mga taga-Sulu na maging alerto, mapagmatyag at ugaliing makipag-ugnayan sa mga otoridad sakaling may makitang mga kahina-hinala sa kanilang mga lugar.
(with report from Jaymark Dagala)